Tuesday, September 14, 2004

stedi

pakiramdam ko ako si dracula. akala ko pa naman, ang aga ko nang nagising. akala ko, naunahan ko ang alarm clock at makapupunta ako sa school nang maaga para ayusin ang mga subjek ko. hatinggabi pa lang pala.

gumising ako at alam kong nasa loob ako ng kuwarto ko. alam kong kama ko iyon. walang umiikot kahit ang bentilador. sinubukan kong bumangon pero pinigilan ko muna ang aking sarili. naalala ko ang aking mga kasama. pumasok sa aking isipan ang bilog ng mga taong nagtatawanan. sinubukan kong alalahanin ang nangyari pero tumigil ang mga pangyayari. hindi ko maalala kung ano ang sumunod. sa aking pagpikit, umikot ang kuwarto kung saan kami nag-inuman. naging itim ang lahat at ang tanging natira ay mga paputul-putol na guhit na unti-unting nabuo hanggang sa maging isang guhit na pumalit sa pabilog ng mga magkakaibigan. dumilat ako at wala na pala akong kailangang alalalahanin. umalis nga pala ako nang maaga para hindi malasing. ang pilit kong inaalala pala'y hindi nangyari. sana nakauwi rin silang payapa at matiwasay gaya ko; may tama lang pero hindi sabog. ang sakit ng tiyan ko. kailangang bumangon para malaman kung stedi pa. stedi pa. ilalabas ko muna ang sama ko ng loob, pero hindi ko na kailangang isuka. nabusog kasi ako pagkatapos uminom. nasa kuwarto ko nang sarili ako nang umikot ang paligid. uminom lang kasi ako nang tama.

"red horse extra strong... ito ang tama!"

No comments: