Saturday, December 31, 2016

December Cramming 2016

Nasa sistema ko na ang cramming. Mataas naman ang success rate ko sa mga bagay na naipagpapamamaya hanggang sa mga huling sandali kung kailan kailangan.

Pwede kong balik-tanawan ang buong taon pero buwan-buwan ko naman nang tinitingnan mga kalilipas na mga araw. At kung tutuusin, ngayong Disyembre ko rin natupad ang ilang bagay na buong taon ko kinailangang gawin, o sadyang ngayon lang ang natakdang panahon para mangyari.

Ang mga tv series, matapos ang halos kalahating taong paghihintay, nasimulan muli noong Oktubre at umabot nang Disyembre para sa mid-season break. Sakto rin pala talaga na may midseason break dahil sa dami ng mga pinagkakaabalahan kapag ganitong panahon. Ang pelikulang Rogue One naman, simula pa lang halos ng taon, inantabayanan na. mahusay ang palabas. Sulit. Panalo.

Hindi ko na maalala kung kailan namin binook ni mhae ang palawan trip namin kasama sina gen, tijmen, at kr. Syempre, sina gen at tijmen ang nag-request at si mhae ang masipag maghanap ng package. Ayun, sulit na sulit ang bakasyon. Medyo bitin pero sulit pa rin. Limang araw na hindi talaga nakakapagod kasi maganda-ganda ang panahon sa kung nasaan kami—hindi maaraw noong nasa El Nido kami kahit medyo maalon, at maaraw noong nasa Puerto Princesa kami para hindi isara ang Underground River tour. Masaya rin ako na makapagbakasyon nang ganoon kasama si mhae.

Nakakumpleto na rin kami ni mhae sa unang pagkakataon ng starbucks planner stickers sa tulong na rin ng wishlist item na hindi talaga sakto pero pwede na. hinihintay na lang namin kung may ireregalo uli sa papa ko na maaarbor para pares kami.

Dumating sa lbc at sa post office ang mga in-order online na wonder woman action figure at mga evangelion gashapon na mahigit kumulang isang buwan ding hinintay.

Nabili ko na rin ang regalo namin ni ate kay mama at papa na couple phone sa magandang halaga. At syempre, tila nakalimutan ko na, pero nakuha ko na rin sa wakas ang naayos na cellphone ko.

Para naman sa mga bagay na may pagkakataon sana akong gawin buong taon pero pinagpa-Disyembre ko pa, naroon na ang pagpapapalit ng lumang pera, pag-renew ng prc (online, hindi pa bayad), ilang pag-aayos sa kwarto ko (na napalitan ng ibang gulo), at ilang ka-OC-han sa mga backup sa office at yung mga tray na rin para sa cubicle nina carl.

May ibang klaseng tuwa nang matapos ako sa pagbibilang at pag-scan ng mga naipon kong 69 bills. Una, dahil nagawa ko ring ma-imortalize sa scan matapos ang ilang taong pag-iipon, at pangalawa, sa dami na hindi ko inakala. Sa trip na yun, nakaipon din ako ng malaking halaga.

Bago mag-Pasko, nakabili ako sa tulong ni mhae ng bagong polo, sapatos, at mga brief. Ok din talaga na may kasamang mamili at mamilit bumili ng kailangan.

May naturang kakulangan sa pagkanta namin sa Misa nitong buwan pero kahit papaano, naka-practice naman kaming natitirang aktibo sa pemc. Si jonathan naman, ilang beses nagpakita sa smc kaya kami rin ni mhae, naka-isang pagpapakita rin naman noong Pasko bukod pa sa minsang pagsama ko sa pagkanta noon simbang gabi.

Dito sa bahay, masaya ako at masaya pa rin sa loob kahit ang baho sa labas. Si tita, kahit sinugod sa ospital noong Pasko, nakalabas naman na parang walang nangyari.

Ang pamilya naman ni mhae sa Bicol, nakaranas ng bagyo noong Pasko, kasama pa si Tijmen. Salamat sa Diyos at nasa mabuti naman sila kahit walang kuryente. Payapa naman na ang langit nitong nagdaang mga araw.

Ang sarap ng tulog ko kahapong Rizal Day holiday. Siguro, naisip ko na marami-rami akong nagawa ngayong taon. May mga kulang pero mas maraming panalo ngayon, e.

Salamat po Sa Itaas sa paggabay at tila pagtulak sa mga tamang gawain, at pagpapatawad sa mga mali.

No comments: