Saturday, June 30, 2018

Konti Na Lang, Bale 39 Days To Go, Bagong Yugto Na

May konting sakit nitong nagdaang buwan—konting sprain, konting ubo’t sipon na may konting lagnat. Pero ayos naman, dahil maraming pag-aaruga.

May konting bonding din sa pamilya kasama ng paghahanda sa kasal at nagdaang araw ng mga ama, pati na rin ang 60th birthday ng biyenan ni Ate ko. May konti ring kilig sa paggunita ng anniversary nina Tito Nonong at Tita Chato.

May konti na lang na natitirang kailangang ayusin dahil nakapaglakad ng mga papeles sa Simbahan unang araw pa lang ng Hunyo at may ilang ulit na balik sa City Hall para sa lisensya.

May konti ring byahe—kumpara sa dating halos wala. Pa-north lahat pero hanggang Clark lang para sa kasal ng kaopisina at dalawa sa Calumpit para sa roadshow ng supplier at prospective project.

May konting deadline at nabubuhay at gusto nang matapos na mga project.

May konting pag-iisip kung paano aayusin ang kwarto para sa bagong yugto ng buhay.

Bakit puro May? June ngayon, ah. Pero Mhae, yun ang ngayon at magpakailanman. Malapit na.

May konting pag-aalinlangan na tapusin na ang talaang ito. Kung anuman, ang mahalaga’y gumawa ng mga bagong alaalang karapat-dapat itala. Salamat sa Diyos sa lahat—noon, ngayon, at sa hinaharap.