Saturday, October 31, 2015

Returning Music

Sinimulan ko ang Oktubre na kumakanta at umaasang mapagbubuti ko ang pagkanta ko para sa Diyos. Mukhang…kailangan pang pagbutihin. Uminom ako kanina ng royal—sana huli ko na yun hanggang sa susunod na linggo siguro. Kailangang maibalik and pagkawala ng softdrinks sa sistema ko. Ang kape, ewan ko kung kakayanin mawala ngayong nasanay na ako sa dalawang tasang kape kapag may pasok. Dala na rin marahil sa hindi maayos na oras ng pagtulog at paggising ko.

Sa pagpunta sa mini-workshop ni Sir Lester, na-reinforce ang ilang naituro na sa akin nina Jonathan at Ryan. Nakumpleto ko rin (sa ngayon) ang Misa Delgado series sa pagbili ng Book 7 na sa Marso ko pa sana bibilhin.

Naka-ilang pagkanta rin kaming PEMC nitong buwan dahil bukod sa regular na 6:30am, may street Mass, Friday night Mass bago ang living Rosary, at Misa sa yumao. Dalawang 8pm ata ako hindi nakakanta kasama ng SMC, una, dahil sa pagod sa byahe mula Bicol, at pangalawa, dahil da pagdalo sa kasal ni Van. Panalo nung nakaraang Sunday, umakyat si Kiko at halos lahat ng mga nawala kasama niya. Sayang, one-time-big-time lang yun.

Bumili kami ni Mhae ng pamalit sa iPhone 4s na bumigay na ang baterya. Pwede na at naaliw nga ako dun sa LG Magna. Kung tutuusin pala, LG G4c din yung specs nun maliban sa CPU at antenna at iba pa sigurong maliit na pagkakaiba.

Sa kabila ng stress sa opisina, nakatakas ako papuntang Bicol kasama ni Mhae nang tatlong araw. Panalo ang biyahe sa bilis. Sulit ang 1,050 na pamasahe sa bilis, sa ginhawa ng upuan, at pagkakaroon ng CR sa bus. Sa Bicol mismo, tulad ng inaasahan, ang sarap matulog. Nakakatuwa ring makita ang mga pagbabago, kaunti man, sa bahay nina Mhae. Hindi lang nakapaglibot masyado maliban sa sandaling pag-ikot sa sentro. Pero sabi ko nga, pagpapahinga ang punta namin dun lagi.

Dito sa bahay, bumubuti-lumalala ang pag-ubo ni papa. Buti, nagagawan naman ng paraan ng sa gamot at alternatibong gamot na sinimulan kanina. Salamat at may supportive kaming nanay ko at napagpapala naman kami para magastusan ang mga pangangailangang pang-araw-araw at pag nagkakasakit. Wala, e, masipag kasi tatay ko. Sayang, di ko nakuha sa kanya yun nang lubos. Yung stress sa trabaho ang nakakapagpalala ng sakit na dulot ng paninigarilyo niya noong matagal na panahon na ang nakalilipas. Naiintindihan ko yung stress dahil nararamdaman ko rin ang ganoon.

Pagdating sa TV5, full blast ang construction at pahirapan ang monitoring, checking, rechecking, at approval. Halos inaako ko kasi lahat pero panalo pa rin at natutulungan ako ng tatlo kong teammates pag paspasan na. sana lang maging mas swabe na ang lahat, at syempre, ligtas, ngayong papasok na buwan. Halos nangangalahati na yung building, may ilan pang hindi ako sigurado. Haha. Kaya to.

Sa ibang aspeto ng trabaho, highlight ata sa MegaWorld projects ang “glutten-free acclamation” ng architect galing Singapore. Salamat kay chammy, may napasaya kaming glutten-intolerant na tao. May pahirapang mga SD submission kaso maiiwasan sana kung mas efficient ang trabaho. Kakulangan ko rin, ako ang mas nakakaalam at may kakayahang ipakita sa kanila paano gagawing mas efficient ang trabaho. Di bale, mukhang mapipilitan kaming pagtuunan yun ng pansin ngayong mga darating na linggo.

Nakuha ko na rin ang Pope Francis coins mula kay Francis Goey. Nakuha na rin namin ang imbitasyon para sa kasal ni Dogi sa Disyembre. Halos isang buwan na lang. mag-eensayo na kami ni Mhae ng kanta. Tamang-tama, kahit may klase siya nang sabado, nakapagpaalam na siya sa prof niya kanina. May swerte rin siguro yung paghatid ko sa kanya. Di, magaling lang talaga si Mhae, at siyempre, Siyang nasa taas.

May utang pa nga pala akong basslines at lyrics para sa pagbabalik sana namin nina Thad sa pagtugtog.